Tuesday, March 2, 2010

Aralin 14 - Mga Seckreto sa Pagdisiplina

Ang dalawang pinakamahalagang prinsipyo ng pagpapalaki sa mga anak ay pag-ibig at disciplina. Kung babalansehen natin ang dalawang ito ay magkakaroon tayo ng apat na paraan ng pagpapalaki sa mga anak.

Mga paraan ng pagpapalaki

1. Una ay ang authoritarian. Ang magulang na mataas ang pagdisiplina subalit mababa ang pag-ibig. Halimbawa ay si haring Saul. (1 Samuel 14).
Dito ang mga patakaran ay mas mahalaga kaysa relasyon, at kapag ang patakaran ay nalabag, ay mayroong masaklap na mga parusa. Subalit ang pag-ibig ay hindi hayag. Ang mga anak ay namumuhay sa takot at mababa ang turing sa sarili.
Colosas 3:21, "Huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, baka manghina ang loob nila."

2. Pangalawa, ang permissive na magulang: mataas ang pagmamahal subalit mababa ang disiplina. Halimbawa ay ang saserdoteng si Eli. (1 Samuel 3:12, 13)
Gusto ng mga magulang na ganito na maging mataas ang palagay sa sarili ng kanilang mga anak. Kaya't hindi sila naglalagay ng mga patakaran. Ang mga anak nito ay mapagpasasa sa sarili at walang pagpipigil sa sarili.
Kawikaan 13:24. "Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya, ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina."

3. Ang pabayang magulang, tulad ni Ahaz (2 Hari 16:3), ito ang pinaka hindi magandang paraan--mababa sa pag-ibig at mababa sa pag-disiplina. Ang anak ay hindi minamahal, nagiging walang disiplina, at nakahilig sa pagiging criminal.
Mateo 18:10. "Pag-ingatan ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito."

4. Ang pinakamabuting paraan ay ang authoritative na magulang tulad ni Abraham (Genesis 18:19 at 22:2): Mataas sa disiplina at mataas sa pag-ibig.
Dito ang mga magulang ay may bukas na mapagmahal na relasyon sa anak, iniingatang nagpapatuloy ang ugnayan. Ang mga patakaran ay malinaw at kung kailangan ang paglapat ng disiplina, iyon ay inilalapat na may pagmamahal.
Hebreo 12:5, 6. Ang Diyos ay katulad ng magulang na ganyan: "Dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal."

5. Ngayon ay maging tapat sa iyong sarili at tapusin ang mga pangungusap.
Sa palagay ko ang paraan ko ng pagpapalaki ng mga anak ay ___________________________________________.
Sa palagay ko ang paraan ng aking awasa ay _________________________________________________________.
Mapabubuti ko pa ang aking paraan sa pamamagitan ng ________________________________________________ (maging tuwiran).
Ikompara sa iyong kabiyak at talakayin.

Mga paraan ng pagdisiplina

6. Maraming mga magulang ang isang uri lang ng disiplina ang alam: at yon ay ang pamalo! Narito ang ilan sa higit na mabuting paraan:
Pakikipag-ugnayan. Gumamit ng matalinong pagsasalita at aktibong pakikinig na pinagaralan sa aralin 2. Ginamit ng Diyos ang pakikipagugnayan sa pagdisiplina kay Balaam (Mga Bilang 22:12, 28)
Bunga ng karanasan. Pahintulutan ang anak na maranasan ang natural na bunga o resulta ng kanyang ginagawa o ginagawa ng magulang tungkol sa kanyang ugali. Maging maingat sa paggamit nito sa maliliit na mga bata. Ginamit ng Diyos ang bunga ng ginawa ni David upang si David ay madisiplina (2 Samuel 20:8-12).
Paglimita sa mga karapatan. Ipagkait ang isa o higit na karapatan sa loob ng itinakdang haba ng panahon. Gumamit ang Diyos ng pagkait ng karapatan upang madisiplina si Moises (Mga Bilang 20:8-12)

7. Ang pamamalo ang kinakailangang maging pinaka-huling alternatibo! Ito ay para sa mga bata at hindi sa mga talubata. Ilapat kung kinakailangan:
- sa lihim, upang maingatan ang pagpapahalaga ng bata sa sarili.
- may angkop na kagamitan, at sa angkop na bahagi ng katawan.
- huwag isagawa kasabay ng galit, sa halip ay may hayag na pagtanggap at pag-ibig.

Dalawang katugunan

8. Ang ibang mga bata ay tumatanggap ng disiplina, samantalang ang iba naman ay inaayawan ito. Ganon din naman mayroong mga tao na nagpapasakop sa pagdisiplina ng Diyos samantalang ang iba ay naghihimagsik.
- Ang mga anak na umaayaw sa disiplina ng magulang ay nagiging isang sumpa.
Yaong mga tumatanggap sa pagdisiplina ng magulang ay nagiging pagpapala.
- Ang mga taong tumatanggi sa pagdisiplina ng Diyos ay pupuksain sa impiyerno.
- Yaong tumatanggap sa pagdisiplina ng Diyos ay mabubuhay at maninirahang kasama Niya sa langit.

9. Sa muling pagbabalik ng Panginoong Jesus, ano ang mangyayari sa Sambahayan ng Diyos?
1 Tesalonica 4:16 at Apocalipsis 20:4. Tama (T) o Mali (M)?

__ Ang kaluluwa ng mga patay na tao ay lilipat mula sa langit patungo sa lupa.
__ Yaong nangamatay na nakay Kristo ay bubuhayin mula sa kanilnag libingan.
__ Yaong mga buhay na nakay Kristo ay dadalhin sa langit.
__ Ang lahat ng bayan ng Diyos ay gugugol ng 1000 taon na kasama Niya sa langit.

10. Sa isang panig naman ano ang mangyayari sa sambahayan ni Satanas?
- Ang mga buhay na masasama ay mamamatay, pinuksa ng kaluwalhatian ni Kristo. (2 Tesalonica 1:7-9)
- Ang mga patay na masasama ay mananatiling patay sa loob ng 1000 taon. (Apocalipsis 20:5)
- Dahil si Satanas ay walang matukso, siya ay bilanggo sa lupa sa loob ng 1000 taon. (Apocalipsis 20:9, 10)

11. Sa pagtatapos ng 1000 taon, kilabot na mga pangyayari ang magaganap!
- Ang lahat ng masama ay bubuhaying muli. (Apocalipsis 20:5)
- Dahil mayroon na muling mga tao na maaaring tuksuhin, si Satanas ay nakalaya sa pagkabilanggo. (Apocalipsis 20:7)
- Titipunin niya ang kanyang hukbo upang kubkubin ang ciudad na bumababa. (Apocalipsis 20:8, 9)
- Ang apoy mula sa langit ay mahuhulog at si Satanas, ang mga makasalanan, at ang kasalanan ay mapupuksa.

Ang Diyos ay Pag-ibig!

12. Si Satanas at ang kanyang mga kampon ay matutupok ng apoy magpakailanpaman! Ano ang kahulugan ng "magpakailanpaman"?
Ang "magpakailanpaman" ay nangangahulugan ng "sin tagal ng maaaring mangyari" Sa Daniel 6:21, wika ni Daniel, "O hari, mabuhay ka magpakailanman!". Si Jonas ay nasa loob ng isda "magpakailanman". (Jonas 2:6). Si Samuel ay ibinigay ni Ana sa Panginoon "magpakailanman". Sapagkat ang Diyos ay pag-ibig ay hindi Niya susunugin ang mga tao hanggang sa walang-hanggan. Kapag wala nang magsisindi, ang apoy ay mawawala na rin!

13. Kung ang Diyos ay pagibig, bakit Niya susunugin ang mga tao?
Mateo 25:41. Tama (T) o Mali (M)?
__ Ang impiyerno ay inihanda hindi para sa mga tao, kundi para kay Satanas at sa kanyang mga anghel.
__ Kinakailangang linisin ng Diyos ang planetang ito at alisin si Satanas at ang kasalanan.
__ Kung ako ay papanig kay Satanas, walang magagawa ang Diyos kundi ang puksain ako kasama ni Satanas.
__ Subalit samantalang nasusunog ang mga masama, ang mapagmahal nating Diyos ay lumuluha.

14. Subalit ang pinakakilabot na bahagi ng impiyerno ay hindi ang pisikal na kirot. Iyon ay ang kalungkutan dulot ng pagkahiwalay mula sa Diyos!
Kapag ang mga tao ay nagsisikap na makaugnay ang Diyos at walang Tagapagligtas na tumutugon, yan ang pinaka masaklap na bahagi ng impiyerno! Subalit wala nang dapat pang makaranas ng ganong kalungkutan, sapagkat doon sa krus, ay dinanas na ni Kristo ang kalungkutang iyon! Yan ang dahilan kung bakit Siya ay sumigaw.
Mateo 27:46. "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?"

Mga kagalakan sa walang hanggan!

15. Matapos malinis ang lupa, ang planetang ito ay muling lilikhain ng Diyos!
Apocalipsis 21:1. "Nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na"
Tatapusin ng Bagong Jerusalem ang pagbaba nito bilang capitolyo ng isang bagong daigdig!

16. Samantalang ang impierno ay inihanda para kay Satanas at sa kanyang mga anghel, ang langit ay inihanda para sa akin at para sa iyo!
Mateo 25:34. "Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan."
Kung ikaw ay makakasama ni Jesus sa kahariang iyon, kinakailangang lumakad ka na kasama ni Jesus sa tubig ng bautismo ngayon.

Ang aking kapasyahan
__ Bilang isang magulang ako ay magiging mataas sa pagdisiplina at ganon din sa pag-ibig.
__ Bilang anak ng Diyos, ako ay magpapasakop sa Kanyang pag-disiplina sa aking buhay.
__ Ayaw ko sa apoy ng impiyerno; gusto ko ang mga kagalakan ng langit.
__ Ako ay nagpasyang sumunod kay Jesus sa bautismo ngayon.

Ang aking pangalan __________________________________________________________


Tingnan kung tama ang iyong mga sagot: 9. M, T, T, T 13. T, T, T, T


Susunod: Aralin 15 - Pagsasamang muli ng sambahayan

Isinalin sa Pilipino ni Jovenmarlo A. Imperio

No comments:

Post a Comment