Thursday, March 4, 2010

Aralin 10 - Paano ang paghawak ng pera

Paano ang paghawak ng pera


Isang malaking secreto ng masayang pamilya ay ang paghawak ng pera. Narito ang apat na susi upang maging matagumpay sa pananalapi.

Mga Panukala Tungkol sa Pera

1. Ang unang susi ay gamitin ang Panukala ng Mag-Partner. Mayroong ibat ibang panukala tungkol sa pananalapi ng pamilya. Una ay Isa ang Boss.
Sa panukalang ito ay isang tao lang, kalimitan ay ang asawang lalaki, ang kumikita ng pera. At sinasabi niya, "Ako ang boss! Pera ko ito at gagamitin ko ito kung saan ko gusto. Wala nang mga tanong-tanong!"
Ipinagbabawal ni Jesus ang ganitong uri ng kaisipan.
Mateo 20:25, 26. "Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila. Hindi maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinoman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo."

2. Ang ibang mga pamilya ay ginagamit ang Panukala ng Dalawang Boss.
Dito ang isang ka partner ay nagkaroon din ng hanap buhay at nagkaroon ng kita. Ang bawat isa sa kanila ay nagbabantay sa sarili niyang kita. "Ako ang boss ng aking pera" Mayroon silang kapasyahan kung sino ang sasagot sa kanyang gastusin.
Hindi ito ang panukala ng Diyos, sapagkat nilalabag nito ang pilosopiya ng pagaasawa.
Mateo 19:6. "Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman." Ang pilosopiya ng pagkakasal ay ang dalawa ay nagiging isa--hindi lamang sa kama kundi ganon din sa lahat ng aspeto ng buhay.

3. Ang ibang mga tahanan ay ginagamit ang Panukala ng Mag-Partner.
Kung ang isang tao ay kumikita, ang kita ay inilalagay sa mesa. Kung parehong kumikita ang magasawa, ang kita ng dalawa ay parehong inilalagay sa mesa. "Hindi ko ito pera kundi pera natin."
Ang panukalang ito ay may mahahalagang mga implikasyon.
Pinagsamang kita: ito ay pera natin.
Pinagsamang gastos: Ang malaking mga gastusin ay pinagpapasyahan ng dalawa.
Pinagsamang budget. Magkasama silang gumagawa ng budget.
Pinagsamang pananagutan sa pananalapi: Ang pagkakautang ay pinagpapasyahan ng dalawa.
Pinagsamang pag-iimpok: parehong nagpapasya sa pagiimpok.

Ang nakalulungkot ay mayroong mga pagkakataon na ang panukalang ito ay nawawalan ng bisa. Kapag ang isa sa magasawa ay naglulustay ng pera sa alak, sa sugal o droga hindi makakabuti ang pagsasama ng pera.

Ang pinakamabuting panukala

4. Ang ating ikalawang susi ay: Ang Panukala ng Senior Partner ang pinakamahusay na panukala. Sino ang Senior Partner?
Hagai 2:8. "Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng Panginoon ng mga hukbo."
Ang panukala ng mag-partner ay nagsasabi: Ang lahat ng pera ng lalake at ang lahat ng pera ng babae ay pagaari ng dalawa. Sa Panukla ng Senior Partner ay ganito: "Ang lahat ng ating pera ay pag-aari ng Diyos! Ito ang panukala para sa Masayang Sambahayan ng Diyos!
Kung ang Diyos ang may-ari, ano ang aking papel?
1 Corinto 4:2. "Kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat."
Ang katiwala ay isang manager -- na kinakailangang magbigay sulit sa may-ari.

5. Ang simbolo ng pagkamay-ari ng Diyos sa Eden ay isang punong-kahoy. (Genesis 2:16, 17). Ano ang simbolo ng pagkamay-ari ng Diyos ngayon?
Levitico 27:30. "Lahat ng ikasampung bahagi ng lupain... ay sa Panginoon."
Magkano ang ikasampung bahagi ng Panginoon?
Levitico 27:32. Tama (T) o Mali (M)?
__ Kung kumita ako ng sampung piso, dalawang piso ang ikapu.
__ Kung ako ay kumita ng P100 ang ikapu ay P10 .
__ Kung ako ay kumita ng P1000 ang ikapu ay P100.
Samantalang ang ikapu ay isang banal na obligasyon, ang mga handog ay pagpapahayag ng pagmamahal sa Diyos.

6. Ninanakawan ng ibang tao ang Diyos at ang kanilang pera ay sinusumpa!
Malakias 3:8, 9. "Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako!...sa mga ikasampung bahagi at sa mga handog. Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako."

7. Ang iba ay nakikipagpartner sa Diyos, ibinabalik ang Kanyang ikapu at ang kanilang pera ay pinagpapala!
Malakias 3:10. "Subukin ninyo ako ngayon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan."Himala! Kapag ibinibigay ko muna sa Diyos ang Kanyang bahagi, pinararami niya ang nalalabi! Isang balo ang nakatuklas na ito ay tunay. (1 Hari 17:10-16)

Paggawa ng Budget

8. Ang ikatlong susi sa tagumpay sa pananalapi ay: Gumawa ng budget at iyon ay gamitin.
Sa Lucas 14:28-30 ay binabanggit ang tungkol sa pagpapanukala at pagkakaroon ng budget. Tama (T) o Mali (M)?
__ Ang mainam ay isang budget na walang pagkautang, subalit pagkaminsan ang budget na may pagkakautang ay katanggap-tanggap.
__ Ang magkapartner ay parehong kasangkot sa paggawa ng budget.
__ Ang bahagi ng Diyos ay kinakailangang pangalawa sa listahan.
__ Kabilang dapat sa budget ang may personal na allowance ang bawat magpartner.
__ Ang lalaki bilang ulo ng pamilya, ang kinakailangang mangasiwa sa budget.

Tayo ay magsanay: Gumawa ng budget ayon sa kinikita ng pamilya. Tandaan ang pagiging una sa lahat ng bahagi ng Diyos.

Isang Matalinong Pamumuhunan

9. Ngayon para sa panghuli nating susi: Mamuhunang kasama ng Diyos--hindi lang 10% ng aking salapi, kundi 100% ng aking buhay. Isang dakilang halimbawa si Levi Mateo.
Sa Lucas 5:27 ay sinasabi sa atin:
__ Si Mateo ay isang maniningil ng buwis -- isang napakayamang tao!
__ Ang mga opisyal na ito ng Roma ay tumatanggap ng pera para sa pamahalaan sa pamamagitan ng isang kamay at ang isang kamay ay tumatanggap rin para sa kanilang sarili.
__ Siya ay inutusan ni Jesus, "Sumunod ka sa akin!"

10. Kung paano kay Mateo ay ganon din sa akin! Hindi lang ang 10% ng aking salapi kundi ang 100% ng aking buhay.
Mateo 16:24. "Kung ang sinoman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin!"
Marcos 16:16. "Ang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas."
Ang ilan sa mga naisip ni Mateo ay maaaring:
__ Sa moralidad ay hindi maganda ang aking hanap-buhay, subalit sa pananalapi iyon ay mahusay.
__ Kung ako ay susunod sa pulubing mangangaral na ito, baka ako rin ay magiging pulubi.
__ Masyadong biglaan ito! Kailangan ko ng panahon upang ito ay pag-isipan.

Sa kabila ng lahat, si Mateo ay kaagad nagpasya!
Lucas 5:28. ""Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya."
Yan ang sagot na kinakailangang gawin ng bawat isa sa atin ngayon.

11. Kapag ako ay namuhunan ng aking buhay kay Kristo ako ay nagkakaroon ng malaking pakinabang sa buhay na ito.
Mateo 19:29. "At ang sinomang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan."

12. At balang araw tulad ni Mateo, ay tatanggapin ko ang walang-hanggang mga pakinabang!
Apocalipsis 21:21. "At ang lansangan ng lunsod ay dalisay na ginto, na gaya ng naaaninag na salamin."
Apocalipsis 2:10. "Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay."

Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos
__ Hindi ko gusto ang lahat ng uri ng panukala ng mga boss.
__ Magbabalik ako ng ikapu sa aking Panginoon, bilang pagkilala sa kanya bilang aking Senior Partner.
__ Tulad ni Levi Mateo, ibig kong sumunod kay Jesus hanggang sa wakas.
__ Ako ay nagpasyang mabautismuhan kay Kriso sa pagbibigay ko sa Kanya ng 100% ng aking buhay.

Ang aking panalan ____________________________________________


Tingnan kung tama ang iyong sagot 5. M,T,T 8. M,T,M,T,M

Sunod: Aralin 11 - Kalusugan at Kaligayahan


Isinalin sa Pilipino ni Jovenmarlo A. Imperio

No comments:

Post a Comment