Monday, March 8, 2010

Aralin 1 – Kami ay na-in-love sa isa’t-isa!

May mga mag-irog na “Na-in-love sa isa’t-isa” at nagpakasal, pagkatapos ay nakabatid na hindi naman pala talagang pag-ibig iyon! Ano iyon? Paano natin iyon nalalaman?

1. Si Satanas ay nakaembento ng huwad na pag-ibig. Ano iyon? 1 Juan 2:16. “Sapagka’t ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan.” Kung magkagayon, paano natin nalalaman kung alin ang huwad at alin ang tunay?

Ang mga pagkakaiba

2. Una sa lahat, ang masamang pagnanasa ay isang pabago-bagong pakiramdam, subalit ang pag-ibig ay isang matatag na prinsipyo. Ang pag-ibig ay mayroong mga pakiramdam, subalit iyon ay hindi isang pakiramdam lamang. Iyon ay isang prinsipyo. Kaya’t kung ang masamang pagnanasa ay nagpapabago-bago ng hihip ng hangin at pakiramdam, ang pag-ibig ay hindi pabago-bago. Sa 1 Corinto 13:8 ay sinasabi, “Ang pag-ibig ay walang katapusan.”

3. Pangalawa, ang pagkahumaling ay bulag; subalit ang pag-ibig ay may paningin at sumusuri. Ginagamit ng tunay na pag-ibig ang kanyang mga mata upang suriin ang mga katangian at mga kapintasan ng isang tao upang magkaroon ng matalinong kapasyahan. Mateo 13:13. Ang mga salitang ito ay maaaring mailapat sa pagkahumaling: “Sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita”! Mateo 13:16. Sa pagibig ay ganito: “Mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito’y nakakakita”!

4. Ang pangatlong pagkakaiba ay ito: Ang masamang pagnanasa ay tumitingin lamang sa mga panlabas, subalit ang pag-ibig ay tumitingin sa mga panloob. I Samuel 16:7 “Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.” Minamasdan ng masamang pagnanasa ang mga panlabas na anyo: Ang hitsura, ang damit, ang sex appeal. Mahalaga sa pag-ibig ang mga panloob na katangian: Personalidad, mga ugali, pagkatao.

5. Ano ang ika-apat na pagkakaiba? Genesis 39:7-9 Tama (T) o Mali (M)?
___ Ang masamang pagnanasa ay mahalay, subalit ang pag-ibig ay dalisay.
___ Gusto ng masamang pagnanasa ang sex sa labas ng kasal.
___ Gusto ng pag-ibig ang sex sa loob lamang ng kasal. Kapag natutuksong mag sex bago pa ikasal, ang tunay na pag-ibig ay nagsasabi “Maghintay tayo hanggang tayo ay makasal”. Kapag natutuksong makipag sex sa hindi asawa, ang pag-ibig ay nagsasabi ng “Hindi! Ikaw o ako ay kasal na.”

6. Ika-lima, ang masamang pagnanasa ay makasarili, ang pag-ibig ay mapagsakripisyo 1 Corinto 13:4, 5. “Ang pag-ibig ay… hindi ipinipilit ang sariling kagustuhan.” Ang paboritong salita ng pagkahumaling ay “ako”: “Ang gusto ko”, “kailangan ko.” Ang paboritong salita ng pag-ibig ay “Mo”. “Anong gusto mo?” “Anong kailangan mo?”

7. Huli sa lahat, ang pinagmumulan ng masamang pagnanasa ay si Satanas. Sino ang pinagmumulan ng pag-ibig? 1 Juan 4:8. “Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” Ang lahat ng tunay na pag-ibig,– boyfriend at girlfriend, mag-asawa, magulang at anak–ang lahat ng tunay na pag-ibig ay nagmumula sa Diyos. Ang Diyos ang tagagawa ng pag-ibig! Ang tunay na pag-ibig ay hindi nagmumula sa Hollywood! Iyon ay nagmumula sa langit.

Kumilos!

8. Ang malaking tanong ay: Kumusta ang sarili kong pakikipagrelasyon? Iyon ba ay tunay na pag-ibig? Sa level ng 1 hanggang 10, anong level ang matapat mong maibibigay na grado sa iyong pag-ibig? Bilugan ang numero. 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

9. Kung ako ay hindi pa kasal at ang score ng aking pag-ibig ay mababa, ano ang dapat kong gawin? Tama (T) o Mali (M)?
___ Pabayan ko lang na ganon. Panahon na lang ang bahala sa mga iyon.
___ Kinakailangang palitan ko ng prinsipyo ang pagkahumaling.
___ Kung ang pagpalit ay hindi poseble, kinakailangang tapusin ko na ang relasyong iyon.

10. Sa kabilang panig, kung ako ay kasal na, subalit ang aking score ay mababa, ano ang dapat kong gawin? Tama (T) o Mali (M)?
___ Hindi ko dapat palitan ang aking asawa, dapat kong baguhin ang aming relasyon.
___ Kinakailangang panatilihin ang aking kabiyak at pataasin ang aking score.

Tanong: Paano ko mapalalago ang aking pagibig?
Sagot: Yan ang ituturo ng mga araling ito! Sa araling ito, tingnan natin ang tatlong pangunahing mga hakbang upang ang bawat isa ay makaangat.

Damahin ang Pag-ibig ng Diyos

11. Ang unang hakbang ay: Pag-aralan ang pinakadakilang modelo ng pag-ibig sa buong mundo. Sino Siya? Juan 15:13. “Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.” Roma 5:8. “Noong tayo’y mga makasalanan pa si Kristo ay namatay para sa atin.” Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ikaw at ako ay nakatakdang mamatay — na walang pagasa sa kabila! Subalit kinuha ni Kristo ang ating kamatayan upang mapasa atin ang Kanyang buhay na walang hanggan! O anong mapagsakpisyong nagmamahal!

12. Samantalang nakaluhod si Jesus sa Getsemane, gaano katindi ang kanyang paghihirap? Lucas 22:44. “Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.” Si Satanas ay bumulong, “Hindi mo kailangang magtungo sa kalbaryo. Bumalik ka na sa kaluwalhatian at hayaan mo nang mamatay sa hirap ang mga makasalanan!” Subalit nakipagpunyagi sa panghuling kapasyahang iyon, samantalang ang mga patak ng dugo ay tumutulo mula sa kanyang kilay, ay tumingin siya sa daan-daang mga taon ng panahon, at nakita niya ikaw at ako, at sinabi niya sa nanunukso, “Tutuloy ako sa Kalbaryo!” O kahangahangang pag-ibig na hindi mapapantayan!

13. Samahan mo ako sa paanan ng krus at tingnan natin ang mapagmahal na Tagapagligtas.

* Tingnan mo ang kanyang likod na dumudugo sahil sa 39 na hagupit!
* Damahin mo ang hapdi ng pagkatusok ng mga pako sa kalamnan ng kanyang mga kamay!
* Pakinggan mo ang mga patak ng dugo mula sa mga sugat sa kanyang ulo! O pag-ibig na walang katumbas!

14. Subalit mas matindi pa sa pisikal na nararamdaman niya ang kapighatan ng kanyang isip at spiritu! Nararamdaman ni Jesus ang lupit ng mga kasalanan ng lahat ng mga lalake, mga babae, at mga bata sa lahat ng mga bansa sa daigdig sa buong haba ng daan-daang mga taon! Yan ang dahilan kung bakit siya ay sumigaw, sa Mateo 27:46, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Samantalang minamasdan ko ang mapagmahal kong Tagapagligtas na naghihirap para sa akin, ano ang gusto kong sabihin sa kanya?

Mahal kong Jesus, ______________________________

Magpasakop sa Kanyang Pag-ibig

15. Ang ikalawang hakbang ay: Magpasakop sa pag-ibig ni Kristo. Samantalang nararanasan ko ang kanyang pag-ibig na walang kapantay, ano ang itinatanong ni Jesus sa akin? Juan 21:17. “_________(Ilagay mo ang iyong pangalan kapalit ng pangalan ni Simon), Minamahal mo ba ako?” Ano ang aking sagot kay Jesus? ____________________.

16. Ang malaking tanong ay: Iyon ba ay tunay na pag-ibig? Paano ko malalaman kung ang pag-ibig ko Kristo ay tunay? Tama (T) o Mali (M)?
____ Ibinigay ni Jesus ang kanyang buhay para sa akin, sapagkat ang kanyang pag-ibig sa akin ay tunay.
____ Ibinibigay ko ang aking buhay kay Kristo, sapagkat ang aking pag-ibig sa kanya ay tunay.
____Ganito na ang aking ginagawa ngayon, at nararanasan ko ang kanyang pag-ibig.

Umibig tulad ng pag-ibig ni Kristo

17. Ang pangatlong hakbang ay ibigin ko ang aking kabiyak tulad ng pag-ibig ni Kristo sa akin. Ngayong naranasan ko ang pag-ibig ng Diyos, ano ang ipinag-uutos sa akin ni Kristo? Juan 13:34. “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa’t isa. Juan 15:12. “Ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”

Makapangyarihang kaisipan! Samantalang nararanasan ang mapagsakripisyong pag-ibig ni Kristo para sa akin, ako ay nagkakaroon ng kapangyarihan upang ibahagi ang hindi makasariling pag-ibig na ito sa aking sambahayan! Mas lalo ko itong natatanggap, mas lalo ko itong maiibahagi! Araw-araw ang score ng aking pag-ibig ay tataas ng tataas sapagkat ako ay nakatitig sa mapagmahal kong Tagapagligtas.Sumusunod ako sa halimbawa ng pinakakilang Tagapagmahal sa buong mundo.

Ang aking kapasyahan

___ Tanggihan masamang pagnanasa. Pinipili ang tunay na pag-ibig.
___ Ibinigay ni Jesus ang kanyang buhay para sa akin sapagkat ako ay mahal niya. Mahal ko siya. Kaya’t ngayon ay ibinibigay ang aking buhay sa kanya.
___ Ibabahagi ang pag-ibig na ito. Iibigin ko ang aking kabiyak tulad ng pag-ibig ni Kristo sa akin.

Ang aking pangalan _______________________________________


Tingnan kung tama ang iyong mga sagot: 5. T, T, T; 9. M, T, T; 10. T, T; 15. T, T, T.

Sunod na aralin: Aralin 2 Matagumpay na Ugnayan

Copyright 2004, Gordon & Waveney Martinborough and the Inter-American Division of the General Conference of Seventh-day Adventists

I
Ang seryeng ito ng mga aralin para sa Happy Family Bible Hour ay isinalin sa Pilipino ni Jovenmarlo A. Imperio para Oplan Sagip Tahanan Evangelism Program ng H4J - The Homes for Jesus Network of Global Frontiers Institute at ng All Through Christ Missionary Movement.

1 comment:

  1. Tama ang mga sinabi mo! agree ako dito! meron tlgang pag ibig na hindi puro! Sakit.info

    ReplyDelete